Bubong sa Bahay na Bato


 

Ang bawat bahay, bubong ang katuwang

Sa kainitan ng panahon, lilim ang hatid.

Pagdating ng lamig, parang yakap ang laan.

Proteksyong maituturing, bubong sa ating tahanan.

 

Matibay, marupok, magarbo, simple at kumplikado

Mga salitang maaring lumarawan sa isang bubong.

Bahay na sinusukluban, marami ring katangian

Maaaring bahay kubo o bahay na bato.

 

Ikaw,

Ang bubong na aking proteksyon.

Ako,

Ang bahay na katuwang mo.

 

Bubong na ubod ng tibay sa umpisa,

Tulad ng pagmamahal mong inaalay araw-araw.

At bahay na batong kasing tibay ng iyong pagkakadikit,

Ang aking sagot sa alay mong pagmamahal.

 

Sa bawat pagsasama, lubos na kaligayahan ang nadarama

Ngunit sa kabila nito, may mga unos na sumusubok sa atin.

Sa pagtagal ng panahon, katibayan mo’y unti-unting nawawala

Mga pangako’y hindi na napanindigan.

 

Nang minsang bumuhos ang malakas na ulan,

Naramdaman ko ang bawat patak sa loob ng bahay.

Proteksyon mo’y nasira, ako’y iyong pinaluha

Paglipas ng ulan, lamat ang naging bunga.

 

Photo Credit: nzraw.co.nz

Photo Credit: nzraw.co.nz

 

Sinubukan kong takpan ang sira na likha ng nagdaang unos

Sa pagasang manumbalik ang katibayan.

Mga hadlang na mailap, malakas at mapusok

Pilit sinira ang mga bagay na nagkakabit sa atin.

 

Pagpapabaya ang tanging nangingibabaw

Tagumpay ang nakamtan ng mga taong humahadlang.

Samahan nati’y sadyang hindi pangmatagalan

Mga bagay na nagbuklod sa ati’y bumibigay.

 

Dating matibay na bubong sa bahay na bato.,

Kinalawang at naging marupok.

Ang magarbong pagkakagawa’y naging kumplikado

Sanhi ng mga panahong hindi inaasahan.

 

Bahay na bato’y lumubog at naghirap

Dating pundasyo’y nilamon ng pagsubok.

Ngayo’y kaunting pag-ihip ng hangin,

Kasiraan at kahinaan ang nakaabang.

 

Ikaw,

Ang bubong na sumira sa akin.

Ako,

Ang bahay na iyong iniwan.

 

Kung pagmamahal mo’y tunay,

Bakit hinayaang saktan ang puso kong nagmamahal?

Kung proteksyon mo’y tunay,

Bakit hinayaang sirain ng mga taong hadlang sa ating samahan?

 

Marahil hindi laan sa bahay na bato,

Ang tulad mong isang bubong na madaling sumuko.

Siguro nga’y hindi tugma,

Mga bagay na nagdudugtong sa atin.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s