Buhay ng Aking Lamesa

table ko

Ito ang kalagayan ng table ko sa tuwing nauubusan na ko ng oras sa paggawa ng mga bagay-bagay. Halimbawa para sa pagre-review dahil may exam kinabukasan o kaya naman para sa projects na naaabutan na ng deadline. At sa pagkakataong ito, ang dahilan ng makalat kong table ay para sa pagre-review. Obvious naman sa mga libro at papel, pero sinabi ko pa din kasi baka isipin mo props lang ang mga yan. Totoo yan! Nagaaral talaga ko.

Ang sanhi ng puspusan kong pagre-review ay ang mock board exam namin. Take 2 ko na sa subject na ito. Oo, subject ang mock board exam sa school namin. Hindi ako naka-graduate nung March 2013 dahil sa exam na yun. Dalawampu’t tatlong regular students ng batch 2008 sa kursong BS Civil Engineering sana ang ga-graduate nung March, ngunit dahil nga sa exam na yun nabawasan ito ng isa. At ako yun. Napakasaklap nang pangyayaring yun sa akin – ang matanggal sa listahan ng mga graduating students for March 2013. Ouch talaga! Pero unti-unti ko na ‘tong tinanggap sa tulong ng aking pamilya na maluwag na tinanggap ang katotohanang walang aakyat ng stage sa panahong iyon. Ako sana ang unang ga-graduate sa pamilya dahil ako ang panganay.

Pero hindi naman ako nawalan ng pag-asa. Tuloy pa din ang buhay. Inenroll ko yung subject na yun ngayong summer 2013. Buong bakasyon akong nag-review pero saktong review lang. Habang papalapit na ang araw ng muli kong pageexam, ayan na nga ang dinulot sa aking lamesa – ang patong-patong na notebooks at libro, at ang ilang baso ng kape at tubig. Sobrang minadali ko ang pag-review sa ilang topics na hindi ko pa naabutang aralin nung mahaba pa ang oras ko. Doon ka na naman na-realize kung gaano karaming oras ang sinayang ko sa panunood ng TV at pagbabasa ng mga nobela ni Nicholas Sparks. Pero wala na kong magagawa. Hindi ko na maibabalik ang oras kaya’t magfo-focus na lang ako sa mga inaaral ko kahit limited na ang oras.

Hanggang sa nakatulog na ako at nagising ng maaga para maghanda na sa unang araw ng aking exam: Mathematics at Fluid Mechanics, Hydraulics & Geotechnical Engineering. Kahit habang nagluluto at umiinom ng kape, hawak ko sa isa kong kamay ang aking sariling reviewer. Nire-recite ko ang mga formulas at ang procedure sa pagso-solve ng unknown parameters sa mga Fluids and Soil Problems sa harapan ng kaldero at baso ng kape na para bang sila ang review buddy ko.

Kahit habang nasa byahe mga papel pa rin ang kaharap ko sa loob ng fx. Hanggang sa makarating na ako sa aking school at umakyat na sa room. Ayun! Moment of truth. Isa-isa ko ng sinagutan ang mga problems sa abot ng aking makakaya. Hindi pa rin naiwasan ang makalimot sa importanteng formulas kaya’t nanghula na lang. Ang resulta??? Wala pa. Sandali lang. Sa susunod na post na lang…

 
 

Advertisements

Taong Isda o Isdang Tao

Kapag biglang napaamin ang tao, may kasabihang, “Nahuhuli ang isda sa sarili niyang bibig.”

Kapag masyadong pala-English ang Pilipino, sikat ang kasabihan ni Rizal na, “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay mas masahol pa sa malansang isda.”

Ilan lamang ito sa mga kasabihang may isda. Madalas talagang i-compare ang tao sa isda, kasi katulad ng mga isdang malayang nakakalangoy sa dagat, ganun din kalaya ang mga tao sa mundong ito. At ang magkakapareho ng lahi ang nagkakaisang lumangoy patungo sa isang direksyon, katulad ng sa tao na kung sino ang magkakapareho ng gusto ay yun ang nagkakasundo.

At minsan, kasing bilis ng pagkakaakit ng isda sa pain ng mangingisda ang bilis ng taong mauto na nabigyan lang ng gusto niya. Kaya kapag kinagat na ng isda ang pain, ayun! Hirap na siyang makawala.

Hindi lang naman mangingisda ang nakakahuli sa isda, kadalasan sa sariling mundo niya mismo siya nadadali. Katulad ng pananamantala ng malalaking isda sa mga maliliit. Dahil malaki siya, kinakain niya ang mga maliliit. Parang sa mundo ng tao, na ang mga may kakayahan ay kinakaya-kaya na lamang ang mga taong mahihina. Ito ang mga taong mapagmataas na ginagamit ang posisyon upang maka-panakot ng mga nasa ibaba upang ito’y mapasunod niya at mailagay niya sa sariling pedestal. Marami ang ganito sa pulitika, na sa una’y makikisabay muna sa iyong paglangoy at kapag nakahanap na ng pagkakataon ay bigla ka na lang kakainin. Kaya maging mapanuri’t mapagmatyag upang hindi tayo madali ng kanilang malalaking bibig. Gaano man tayo kaliit sa kanilang paningin, tayo’y makakalusot pa din, gamitan lang ng tamang diskarte.

Photo Credit: fineartamerica.com

Photo Credit: fineartamerica.com

Kaya ikaw, taong isda o isdang tao, maging dilis o pating ka man, tandaan mo: Pare-pareho tayong nilikha ng Diyos nang may kalayaan, kaya’t gamitin mo ito ng naaayon sa kakayahang ibinigay sayo para sa ikabubuti ng lahat ng Kanyang likha.

Katulad ng nasusulat:

 26Mga kapatid, alalahanin ninyo ang inyong katayuan nang kayo’y tawagin ng Diyos. Iilan lamang sa inyo ang sa paningin ng sanlibutan ay marunong, makapangyarihan at maharlika. 27Subalit pinili ng Diyos ang sa palagay ng sanlibutan ay kahangalan upang hiyain ang marurunong, at ang mahihina sa malalakas. 28Pinili niya ang mga itinuturing na hamak, walang halaga, at walang kabuluhan sa sanlibutang ito upang pawalang-halaga ang mga itinuturing na dakila sa sanlibutan. 29Kaya’t walang maaaring magmalaki sa harapan ng Diyos. 

–          1Corinto 1:26-29